Miyerkules, Hunyo 8, 2011

Panganay na walang ama

“Wala na tayong kakainin bukas. wala na tayong pera” 

kahit minsan hindi pa ko nabahala kapag naririnig ko ang ganyan kay nanay, hindi ko pa naranasang matulog ng gutom. Pumasok sa eskwela nang walang baon, o sumamblay man sa pagkain sa maghapon.

May tatay ako, kahit walang pera alam kong makakautang sya.
Tatay na magaling dumiskarte. Sa kanya ko iniaasa ang lahat dahil alam kong kaya nyang gumawa ng paraan, magaling sya e.
Palayasin man kami sa bahay dahil walang bayad sa upa, alam ko hindi kami titira sa kalye, minsan na kaming pinagtabuyan pero hindi ako nabahala, alam kong may matutuluyan kami, as long na nandyan ang tatay ko, sya ang hahanap ng bahay para sa amin, sya ang gagawa ng paraan para makakain kami, basta ako maghihintay lang palagi.

Nagbago lang naman ang lahat ng mawala ang tatay na ginawa kong sandalan sa loob ng labing isang taon.

Inatake sa puso, sinugod sa ospital. Kinabukasan yun.. kumalat sa school at sa buong baranggay na patay na ang tatay.

Isang linggong ibinurol ang tatay, isang linggong sarado ang pagawaan namin ng sapatos sa palengke, isang lingo din kaming maraming pagkain at pera dahil sa mga nakikiramay. 
Patay si tatay pero di ako umiyak kahit minsan.

Pero noong ililibing na sya, doon ko naramdaman ang lungkot. Mula sa likod ko nanggaling ang salitang “tignan mo na ang tatay mo, ito na ang huling beses na makikita mo sya” doon ko lang na-realize na patay na pala ang tatay ko, doon ko lang din naramdaman na wala na pala akong tatay, ulila na ko sa ama, ulila rin ang mga kapatid ko at balo na ang nanay ko. Hindi ko napigilang umiyak. Marami din pala ang nagmamahal sa tatay… mas marami pang mas malakas umiyak kaysa sa akin, at dahil dun, mas naramdaman kong wala na nga sya.

nailibing na ang tatay, pero patuloy ang pagdating ng mga taong patuloy sa pagbibigay ng pagdamay kay nanay, nanantiling tulala, nanatili pa rin syang malungkot at hindi alam kung saan kami dadalhin.

Naging pasan  ko na lang ang bigat ng naiwang responsibilidad ni tatay isang araw. “Kuya nagugutom na ko, may pagkain ka bang dala-dala?” gusto ko sanang sabihin sa kanya na manghingi kay nanay, pero paano kami papakainin ng isang taong sya mismo ayaw kumain. Naisip ko na lang, wala na yung taong pwede kong lapitan para humingi ng pagkain, wala na yung taong pwede kong hingian ng pera para bumili ng kahit ano.. ako na lang , ako na lang… ako na ang taong hihingan nila ng pagkain.
Mahal na mahal ko ang mga kapatid ko, ayokong mamatay sila sa gutom, ayokong Makita silang naiinggit dahil masarap ang ulam ng kapit bahay habang kami asin, toyo at mantika lang ang nasa lamesa.

binuksan kong mag-isa ang pagawaan ng sapatos, dalawa kami ng mas nakababata kong kapatid na kumayod para kumita ng pera. Pero ganun talaga may mga pagkakataong hindi inaasahan, sa halip na magawa naming ang isang sapatos, nasira ko. Muntik na kon mabugbog ng taong nagpagawa. Sarado ang shop. Sinarado na lang naming dalawa.

Pag-uwi ng bahay, toyo at mantika pa rin ang ulam… yun ang tinatawag naming.. ADOBO!

Muli akong pumasok ng school, na mga kapatid ko pinilit ko na ring pumasok kahit wlang baon, kahit walang gamit, kahit walang bagong uniporme o notebook man. Naniniwala kasi ako sa sinabi ng tatay, ang edukasyon kailangang kailangan para sa mas magandang buhay.

Unang araw ng eskwela pinagtulungan ako ng mga kaklase kong sulatan sa likod, di ko alam kung bakit, siguro dahil naka uniporme sila at ako naka t-shirt lang.
Sinugod ko yung isa, sasapakin ko n asana, napigilan lang ako nang may magsalita yung kapatid nya “sige tol labanan  mo yan, wla nanag tatay yan, hindi na magsusumbong yan” siguro mula nang mamatay ang tatay, yun na ang pinaka-masakit na salitang narinig ko. Ganito pala ang walang tatay, aapihin ka, papagtulungan ka, iisipin ng iba na kaya ka nila, dahil nag-iisa ka na lang e.
Nang matapos ko ang elementary, yun top 3. Ok na kahit papaano, kaso walang bumabati wala na ang tatay e, ang nanay tulala pa rin, di ko alam kung ok ba sya o hanggang kailan pa sya mabubuhay. Ayaw kasing kumain kahit pilitin ko.

Ang masamang balita, iilitin na ang bahay ng bangko. Hindi ko alam kung saan kami titira. Ang mga kamag-anak naming walang humpay sa panlalait, palibhasa wala rin silang maaasahan sa amin.
Lakad dito, lakad doon. Sa madaling salita tumira kami sa kalye sa harap ng dati naming shop.
Ok naman ang lahat. Tumigil sa pag-aaral kaming mag-kakapatid, natuto akong maging kargador sa palengke kahit pa labing apat na taong gulang pa lamang, ang hirap talaga. Pero ang mas mahirap ay nang Makita ko ang isa kong kapatid na nasa mga tricycle at namamalimos. Doon ko nagawa ang bagay na pagsisishan ko rin pala pagkatapos. Pinalo ko sya ng isang matinding palo sap wet, umiiyak pero wala akong naririnig, wala din ang nakikita kundi ang nakakainis nyang pagpapalimos sa daan na hindi ko maalis sa isip ko. Pero matapang sya, nagsalita pa rin sya kahit pa puno ng sakit ang likuran. 

Nagawa nya kong takbuhan. “wag na wag kang babalik dito, sige tumakbo ka!”

Nakita ko na lang sya kinabukasan, nasa harap ko. “Kuya happy birthday, sana hindi ka na galit sa akin, sorry kung namalimos ako, hindi ko na talaga uulitin promise, kuya para sayo…” sariwa pa ang mga latay sa kanya, alam kong ramdam nya pa rin ang mga sakit. “hindi mo naman kailangang mamalimos para lang bigyan ako ng damit, mas magiging Masaya na ko kung andyan ka dahil kapatid kita” isang yakap, isang mahigpit na akbay, parang matagal na hindi nagkita, sa kauna-unahang pagkakataon, muling umiyak ang kuyang nagpipilit maging matatag.

Hindi talaga madali ang lahat, nagsawa akong tumira sa kalsada, naisip kong pag-aralin ang mga kapatid ko kahit hanggang highschool lang..

Sa isang gay bar, nagsimula kong ibenta ang sarili ko sa mga taong hindi ko alam kung sino at kung saan nanggaling. “ang ganda ng katawan mo ha… ilang taon ka na?” “kargador po kasi ako dati sa palengke, 17 po.”

Nang makaipon, umupa kami ng bahay, si nanay dinala muna naming sa mental. Trabaho trabaho, pagamit doon, pagamit dito. Haiisszzzz.

Habang tumatagal mas lalo kong kinailangan ng pera, mas lumakas ang loob kong ibenta ang katawan kasama ang aking kaluluwa.

Pagod na ko pero kaya pa, sinikap kong mapunan ang pag-aaral ng apat ko pang kapatid, hindi ako nabigo, naging seaman hanggang sa mapunta sya ng ibang bansa, naging mas magaan sa akin ang lahat lalo na ng sagutin ni Julio ang mga gastusin sa bahay, sa pamamagitan ng kaniyang mga pinadadalang pera ay nabuhay kaming magkakapatid.

Sa ibang bansa na nakapag-asawa si Julio, ngunit kahit kailan ay hindi pa rin sya uumuwi, kahit anong pilit ko. 
Una nyang kinuha si Jonalyn, sumunod ay ang tatlo nya pang mga kapatid upang sa amerika na mag-aral.

Isa, dalawa, tatlo, at apat na taon pa… naiwan akong magisa sa Pilipinas, walang sulat, wala nang kahit ano pang balita mula sa kanila.

Santambak na liham na ang isinulat ko’t ipinadala, walang nagbalik, at wala ding kasiguraduhan kung natanggap nga nila.

Di na ko nakapag-asawa, muli kong ibinenta ang sarili ko, nakakapagod ding mag-isip, nakakapagod ang maghintay. Nakakapagod ang maraming pagsubok.

Dumating din ang panahong nanghina ang aking katawan, dinapuan ako ng ibat ibang mga sakit hanggang sa maospital.

Dec. 10, 2005 nang ma-diagnose ako sa sakit aids, unti unti akong nanghina hanggang sa magkaroon ng taning.

Sa dami ng kasalanang nagawa ko, marahil pinarurusahan na ko ng nasa itaas. Ngunit naramdaman kong gumagawa sya ng paraan para maibigay sa akin ang huli kong kahilingan.. ang makitang muli at mabuo kaming magkakapatid.

Habang patuloy ako sa pagdalangin, nagsisimula na ding maayos ang lahat.
Isang liham ang dinala ng dating kapitbahay sa akin sa ospital, sulat mula kay Jonalyn.

Tinago ni Julio ang lahat ng mga sulat ko para sa kanila, at ganun din ang mga sulat nila na para sa akin, itinago ni Julio upang di ko matanggap.

Muli akong sumulat kay Jonalyn, doon sinabi ko ang lahat ng pag-aalala, ang lahat ng sakit at ang lahat ng galit…
Hiniling kong puntahan nila ko sa nalalabi kong buhay.
Humingi ako ng tawad kay Julio kung may nagawa man akong mali sa kanya. Marahil kung may hindi sya matanggap yun ay ang napili kong paraan kung paano ko sila mabubuhay.
Hinihintay ko na lang ang katapusan ng buhay ko, kung ano man ang mangyari tanggap ko na.

Gumising ako isang araw dahil sa isang balita… isang kaibigan ang nagdala ng sulat mula pa rin sa dati naming bahay, uuwi na daw sila jonalyn at Julio kasama ang tatlo pa naming kapatid.

Hanggang dumating nga ang araw ng kanilang pag-uwi, sinundo ako ng isang kaibigan sa ospital, hanggang sa makarating kami sa dati naming bahay.

Malaki na rin ang ipinagbago, halatang iniayos ang lahat… muling nagbalik ang mga ala-ala, ang masasayang sandali noong buo pa ang aming sangbahayan, ang maraming trahedya gaya ng pagkamatay ni itay, ang palayasin kami dito sa aming tinitirahan, hanggang sa pagkasira ng aming buong pamilya dahil sa kahirapan.

Muling umapaw ang luha nang Makita ko nandoon si jonalyn, si Julio, ang aking mga kapatid at ang aking ina.
Ngunit hiniling ko sa kanila na wag maging malungkot ang mga sandaling iyon, bagkus gunitain naming Masaya ang kahapon.
Kung ito man ang huling araw ng buhay ko, mas nagpapasalamat ako sa Dios ng malaki, masasabi kong nagkaroon ng masyang wagas ang aking paglalakbay sa mundong ito, nagkaroon ako ng makabuluhang buhay, bagamat dumaan ako sa maraming pagsubok mula pagkabata nalagpasan ko ang mga ito bagamat puno ng hirap.
Lilisanin kong Masaya ang tahanang minsan naming iniwan, binalikan at muli dito kami nabuo ng tuluyan.
Sa mga panahong mabasa nyo ito, isipin nyong Masaya ako kung saan man ako naroroon, kapahingahan ang aking tinatamasa sa mga pagkakataong ito. Salamat sa inyo aking mga kapatid… salamat!


___

In a Loving Memory of my brother
Jonathan V. Cruz
Born: Dec. 24, 1980
Died: February 16, 2007

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento